Black Friday Protest sa EDSA Shrine, ikinasa laban sa korapsyon

Nakatakdang idaos ang Black Friday Protest na pinangungunahan ng Bangon Sambayanan Movement sa EDSA Shrine ngayong Biyernes, Setyembre 12, alas-11 ng umaga at alas-6 ng gabi.

Nagpahayag din ng suporta ang ilang organisasyong pang-estudyante sa nasabing pagkilos sa pamamagitan ng kani-kanilang social media accounts.

Sa isang Facebook post, ibinahagi ni Ka Eric Jeff Celiz, miyembro ng Sentrong Alyansa ng mga Mamamayan para sa BAYAN-SAMBAYANAN, ang larawan na may nakasulat: “PANAWAGAN NG PAGKAKAISA AT PAGTINDIG! BLACK FRIDAY PEOPLE’S PROTESTS, IBANGON ANG DANGAL NG BANSANG PILIPINAS.”

Samantala, nagpahayag din ng pakikiisa ang ilang student-led organizations.

Sa isang post sa X (dating Twitter), inanunsyo ng University of the Philippines University Student Council na magsasagawa ito ng university-wide protest alas-11 ng umaga sa UP College of Arts and Letters faculty center. Pinagsusuot din ang mga Iskolar ng Bayan ng itim na kasuotan bilang pagtutol sa korapsyon.

Magsasagawa rin ng kilos-protesta ang League of Filipino Students – Katipunan sa alas-5 ng hapon. Ayon sa grupo, hindi na raw nila masikmura ang walang katapusang kasakiman at panlilinlang sa mga Pilipino. At maipadadama lang daw ito kung dadalhin ang galit ng mga Pilipino sa lansangan.

Layunin ng protesta na ipakita ang sama-samang pagkondena at galit ng sambayanang Pilipino laban sa korapsyon. | via ABJR, D8TV News

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *