Umakyat na sa anim ang bilang ng nasawi sa pagguho ng Binaliw landfill sa Cebu City.
Dalawa pang mga labi na pawang mga babae ang na-recover ng mga rescuer nitong Linggo, sa kabila ng matinding panganib sa lugar.
Natagpuan ang mga biktima noong nakaraang araw pero naantala ang pagkuha sa kanila dahil may malalaking bakal na bumagsak sa ibabaw nila.
Nitong Linggo, anim na ang kumpirmadong patay, 12 ang nasagip at nasugatan habang 31 pa ang nananatiling nawawala.
Patuloy na hinaharap ng mga rescuer ang maraming banta tulad ng malakas na ulan, masangsang na amoy, methane gas sa ilalim ng landfill, at matitigas na bakal na nakahalo sa siksik na basura.
Mabigat din ang emosyonal at sikolohikal na epekto sa mga rescuer na nasasaksihan ang paghihirap ng mga pamilyang naghihintay ng balita.
Sa kabila nito, umaasa pa rin ang mga otoridad na may mahahanap pang buhay, lalo’t dumating na ang karagdagang heavy equipment. Nangyari ang pagguho noong January 8, habang may humigit-kumulang 100 manggagawa sa lugar.
