BI, inaresto ang dalawang Indian national sa Antipolo City

Inaresto ng Bureau of Immigration o BI ang dalawang Indian national sa Antipolo City matapos magsagawa ng operasyon ang Intelligence Division ng ahensya noong Enero 29.

Kinilala ang mga inaresto na sina Sukhbir Singh, 28, at Sawan Singh, 30, na nadakip sa isang residential area sa Barangay San Jose, Antipolo City.

Isinagawa ang operasyon ng BI Regional Intelligence Operations Unit IV at ng Special Response Team alinsunod sa mission order na inisyu ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.

Bago ang pag-aresto, nakipag-ugnayan ang BI operatives sa Antipolo Component City Police Station upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng batas.

Naaresto si Sukhbir Singh sa kanyang tirahan. Sa gitna ng operasyon, nakialam umano ang isa pang dayuhan na si Sawan Singh sa pagpapatupad ng mission order.

Napansin din ng BI operatives ang tangkang pag-aalok ng pera sa mga tauhan ng ahensya, na agad tinanggihan at naging dahilan ng pag-aresto kay Sawan Singh.

Kapwa dinala ang dalawang dayuhan sa kustodiya ng BI at inihatid sa pangunahing tanggapan ng ahensya kung saan isinailalim sila sa standard booking procedures, kabilang ang biometric capture, dokumentasyon, at beripikasyon sa information system ng BI.

Babala ni Commissioner Viado, mananagot ang sinumang hahadlang o makikialam sa lehitimong operasyon ng ahensya. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *