Hinamon ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin ang mga nag-uugnay sa kanya sa umano’y korupsiyon na maghain na ng pormal na kaso imbes na magpakalat ng pasaring. Giit niya, wala siyang kinalaman sa umano’y illegal insertions sa 2025 national budget.
Ayon kay Bersamin, puro “innuendo” lang ang mga akusasyon. “Idemanda n’yo na lang ako para masagot ko nang tama,” aniya, sabay paalala na malinis ang kanyang record bilang dating Chief Justice.
Nasangkot ulit ang pangalan niya matapos sabihin ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson, batay sa impormasyon ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo, na handa raw si Bersamin “alagaan” ang ₱52 bilyon sa umano’y ₱100 bilyong budget insertions na mariin namang itinanggi ni Bersamin. Giit niya, hindi credible source si Bernardo.
Samantala, pinabulaanan din ni Bersamin ang pahayag ng Malacañang na kusang-loob siyang nagbitiw. Ayon sa kanya, pinapaalis siya mula sa puwesto matapos tawagan ng isang “malapit na kaibigan” noong Lunes. Hindi na raw siya nagtanong ng dahilan dahil “at the pleasure of the President” siya nagsisilbi.
Bagaman sinabi ng Palasyo na nag-resign siya at Budget Secretary Amenah Pangandaman dahil sa “delicadeza,” sinabi ni Bersamin na mas maganda sanang ikinunsulta muna sa kanya ang anunsyo. | via Allan Ortega
