Batas hinggil sa Anti-Wiretapping Act, Isinusulong!

Isinusulong ngayon sa Senado ang isang makapangyarihang panukalang batas na magbibigay ng mas matalas na ngipin sa kampanya kontra krimen ang pag-amyenda sa Anti-Wiretapping Act.

Ayon kay Senador Panfilo Lacson, layunin ng panukala na maisama ang mga seryosong krimen tulad ng coup d’etat, robbery in band, highway robbery, illegal drugs, at money laundering sa mga kasong maaaring isailalim sa wiretapping. Sa kasalukuyan, hindi raw sakop ng umiiral na batas ang mga ito kahit na malinaw ang banta nila sa seguridad at kaayusan ng bansa.

Kapag tuluyang naisabatas, bibigyan nito ng legal na kapangyarihan ang mga awtoridad gaya ng PNP, PDEA, NBI, at AFP na magsagawa ng wiretapping laban sa mga grupong sangkot sa mga nabanggit na krimen. Isasama na rin ang mga kasong conspiracy at proposal to commit coup d’etat, at iba pang paglabag sa ilalim ng RA 9165 at RA 9160.

Upang mapanatili ang integridad at seguridad ng operasyon, magiging limitado na rin ang source bidding o direct contracting sa pagbili ng wiretapping equipment. Layunin nitong maiwasan ang pang-aabuso at katiwalian sa proseso ng pagbili.

Mahigpit na parusa ang kakaharapin ng sinumang lalabag, anim hanggang labindalawang taon na pagkakakulong at multang aabot mula P1 milyon hanggang P5 milyon. Samantala, ang mga mahuhuling gumagawa, nag-aassemble, nagbebenta o nag-aangkat ng wiretapping equipment nang walang otorisasyon ay makukulong ng tatlo hanggang anim na taon, bukod pa sa multang P500,000 hanggang P2 milyon.

Kung ang lalabag ay isang opisyal o kawani ng pamahalaan, hindi na ito makababalik sa serbisyo publiko, isang hakbang na layong magpatibay sa pananagutan at disiplina sa hanay ng mga tagapagpatupad ng batas.

Sa panukalang ito, umaasa si Senador Lacson na magkakaroon ng matibay na sandata ang pamahalaan laban sa mga organisadong krimen, habang tinitiyak pa rin ang karapatang pantao at tamang proseso sa paggamit ng makabagong teknolohiya sa imbestigasyon. | via Ghazi Sarip | Photo via PNA

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *