Basilan-based army brigade, tinanggap ang mga bagong “peace” personnel

Pormal na tinanggap ng 1101st Infantry “Gagandilan” Brigade ang lima nilang bagong miyembro sa Camp Luis Biel II sa Isabela City, Basilan.

Kabilang sa mga tinaguriang “peacemakers” ang opisyal na si Lt. Col. Abel Potutan at apat na beteranong sundalo: Technical Sgt. Mujibar Umabong, Staff Sgt. Kemar Tahil, Sgt. Abubakar Juhan, at Cpl. Ricky Arellano.

Pinangunahan ni Brig. Gen. Frederick Sales ang maikling seremonya at isinabit ang Gagandilan unit patch bilang simbolo ng kanilang paglahok sa misyon ng brigada.

Nagpasalamat si Potutan sa pagbabalik niya sa Basilan at nangakong muling pagsisilbihan nang buong puso ang mga Basileño.

Dati nang naging komander si Potutan ng 64th Infantry Battalion sa Basilan bago maitalaga sa Lanao del Sur.

Ayon sa kanya, ang pagsusuot ng Gagandilan patch ay tanda ng dedikasyon sa misyon ng kapayapaan at seguridad sa lalawigan.

Ang Basilan, na dating pinamugaran ng teroristang Abu Sayyaf Group, ay idineklarang “ASG-free” noong kalagitnaan ng 2025.

Sa ngayon, tutok ang lokal na pamahalaan sa paglutas ng mga alitang angkan na karaniwang nag-uugat sa mga usapin sa lupa.

Binigyang-diin ni Sales na karamihan sa bagong personnel ay taga-Basilan mismo Isang malaking bentahe dahil mas kabisado nila ang lugar at komunidad.

Tinapos ang seremonya sa muling pagtitiyak ng brigada na ipagpapatuloy ang katahimikan, katatagan, at pakikipagtulungan sa mga taga-Basilan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *