Barzaga, muling sinuspinde ng Kamara

Sinuspinde muli ng Kamara si Cavite 4th District Representative Kiko Barzaga ng 60 araw na walang sahod sa botong 238 na ‘yes,’ 10 ‘no,’ at siyam na abstention.

Ayon sa House Committee on Ethics, patuloy at lumalala ang paglabag ni Barzaga sa mga patakaran ng Kamara kahit may nauna na siyang babala.

Natuklasan ng komite na nag-post pa rin siya ng umano’y malicious and defamatory content sa social media mula December 2025 hanggang January 2026.

Kaugnay ito ng reklamong inihain ni Manila Rep. Rolando Valeriano na nagsabing sinuway ni Barzaga ang awtoridad ng Kamara sa pamamagitan ng pag-uulit ng dating ipinagbabawal na asal.

Kabilang sa mga tinukoy na post ang alegasyong tumanggap ng suhol ang ilang mambabatas at mga pahayag laban sa isang yumaong kongresista.

Nauna nang nasuspinde si Barzaga ng 60 araw noong December 2025 dahil sa kaparehong paglabag.

Sa kabila ng babala, sinabi ng komite na ipinagpatuloy pa rin niya ang mga aksyon habang suspendido. Hindi rin siya dumalo sa pagdinig ng ethics panel.

Babala ng Kamara: mas mabigat na parusa, kabilang ang posibleng pagpapatalsik sa puwesto, ang maaaring ipataw kung mauulit pa ito. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *