Dalawang testigo ang nag-uugnay kina dating Speaker Martin Romuladez at contractor na si Curlee Discaya sa renovation ng isang bahay sa South Forbes Park, Makati.
Ayon sa mga testigong may alyas na Joy at Maria, si Discaya ang kinuha ni Romualdez na magre-renovate ng kanyang bahay noong 2023.
Household staff umano ng dating nagrerenta sa bahay sina Joy at Maria, na kalauna’y pinaalis sa bahay na may sukat umanong humigit 3,000 square meters.
Itinanggi naman ni Discaya ang paratang at hindi pa raw siya kailanman nakapasok sa South Forbes Park.
Matatandaang sangkot umano si Curlee Discaya at asawa nitong si Sarah sa malawakang korapsiyon sa Department of Public Works and Highways, kung saan nakakatanggap umano ng kickback ang mga malalaking opisyal, kabilang si dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co.
Ayon kay Co at sa isang bodyguard nito, dinadala ang male-maletang pera mula sa kickback sa mga maanomalyang DPWH projects sa bahay mismo ni Romuladez sa Forbes Park.
Sa ngayon, tuloy-tuloy pa rin ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee tungkol sa mga anomalyang flood control projects. | via Ghazi Sarip
