Karamihang lugar sa bansa ay makakaranas ng pag-ulan dahil sa dalawang weather system, ayon sa PAGASA ngayong Biyernes.
Bagaman nakaalis na sa Philippine Area of Responsibility ang Tropical Storm Quedan (Nakri) at wala itong direktang epekto sa bansa, may Low Pressure Area (LPA) na namataan 335 kilometro kanluran-hilagangkanluran ng Pag-asa Island, Kalayaan, Palawan. Hindi inaasahang magiging bagyo ito sa loob ng 24 oras, pero ang trough o extension nito ang magdadala ng kalat-kalat na ulan at thunderstorms sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, Bicol Region, Mindoro, Marinduque, at Romblon.
Katulad na kondisyon ng panahon ang mararanasan sa Palawan, Visayas, at Mindanao dahil sa southwesterly windflow. Babala ng PAGASA, posibleng magdulot ng flash floods o landslides ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa mga lugar na ito.
Samantala, ang natitirang bahagi ng Luzon ay makakaranas ng panandaliang pag-ulan dahil sa localized thunderstorms. May katamtamang hangin at alon sa Extreme Northern Luzon, habang banayad hanggang katamtaman naman sa ibang bahagi ng bansa. | via Allan Ortega
Bagyong Quedan nakalabas na sa PAR, pero asahan pa rin ang mga pag-ulan sa buong bansa
