Itinaas na sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 2 ang bayan ng Itbayat, Batanes nitong Miyerkules matapos bahagyang lumakas si Bagyong Gorio (international name: Podul), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Sa 5:00 a.m. bulletin, sinabi ng Pagasa na huling namataan si Gorio sa layong 165 kilometro hilagang-silangan ng Itbayat at kumikilos pa-kanlurang hilaga sa bilis na 25 kilometro kada oras. May dala na itong maximum sustained winds na 140 kph mula sa dating 130 kph, habang lumakas ang gusts mula 160 kph patungong 170 kph.
Nakataas din ang TCWS No. 1 sa natitirang bahagi ng Batanes. “Posibleng makaranas ng minor to moderate impacts mula sa gale-force winds ang mga lugar na nasa Signal No. 2, habang minimal to minor impacts naman mula sa malalakas na hangin sa mga nasa Signal No. 1,” ayon sa Pagasa.
Pinalalakas din ni Gorio ang habagat na magdadala ng malalakas hanggang gale-force gusts lalo na sa baybayin at kabundukan ng Babuyan Islands, Hilagang bahagi ng mainland Cagayan, Silangang bahagi ng Isabela at Hilagang bahagi ng Ilocos Norte.
Inaasahang mananatili ang direksyong west-northwest at posibleng mag-landfall sa silangang baybayin ng timog Taiwan ngayong Miyerkules. Mananatiling bagyo bago mag-landfall at hihina pagkatapos nito. Inaasahan ding lalabas si Gorio sa Philippine area of responsibility (PAR) ngayong hapon o gabi. | via Allan Ortega | Photo via DOST-PAGASA
#D8TVNews #D8TV