Babala ng PCO: Pekeng RTVM Facebook page ginagamit sa online investment scam

Nagbabala nitong Miyerkules ang Presidential Communications Office (PCO) laban sa mga scammer na gumagamit ng pekeng Facebook page na nagpapanggap bilang opisyal na account ng Radio Television Malacañang (RTVM) para manghikayat ng online investment!

Ayon sa PCO, ginaya ng pekeng page ang pangalan, profile picture, at itsura ng totoong RTVM Facebook page para linlangin ang publiko. Nagpo-post ito ng mga paanyaya sa investment na isa raw normal na modus ng mga online scam.

Nilinaw ng RTVM na wala silang kinalaman sa nasabing page at hindi sila kailanman manghihingi ng pera o mag-aalok ng kahit anong investment. “Hindi kami sangkot sa kahit anong panloloko,” diin ng RTVM.
Tanging ang verified RTVM Facebook page lamang ang lehitimo—may blue check mark, may tamang followers, at may mga opisyal na nilalaman. Ang pekeng account ay hindi verified at mababa ang engagement.

Hinikayat ng PCO ang publiko na sumunod lamang sa mga verified government pages, mag-ingat sa mga kahina-hinalang content at agad i-report ang mga bogus na account sa Facebook.

Dagdag pa ng PCO, panahon na para paigtingin ng social media platforms ang pagtatanggal sa mga pekeng page lalo na yung nagpapanggap na ahensya ng gobyerno.

Babala sa lahat: huwag basta-basta magtiwala sa mga investment post online, lalo na kung galing sa hindi kilalang account! | via Allan Ortega | Photo via RTVM’s official Facebook page

#D8TVNews #D8TV

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *