Atong Ang, pinayuhan ng abogadong huwag muna sumuko

Pinayuhan ng abogado ng negosyanteng si Charlie “Atong” Ang na huwag muna itong sumuko sa mga awtoridad habang hindi pa nauubos ang lahat ng kanyang legal remedies sa korte.

Iginiit ni Atty. Gabriel Villareal na hindi dapat ituring na kriminal si Ang dahil wala pa itong dinaraanang paglilitis at wala pang declaration of guilt.

Ani Villareal, hindi raw makatarungang tratuhin si Ang na parang pugante at hindi dapat sumuko ito habang may mga legal na hakbang pa siyang maaaring gawin.

Sa ngayon ay may P10 milyong pabuya sa ulo ni Ang na tinuturing na umanong Philippines’ most wanted.

Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, itinuturing na “armed and dangerous” si Ang base sa intelligence reports na may mga bodyguard ito at may dalang baril kahit kanselado na ang kanyang lisensya para dito.

Pinabulaanan naman ito ng kampo ni Ang. Ayon sa kaniyang abogado, delikado ang mga ganitong pahayag dahil maaaring sabihin na lamang na nanlaban si Ang kapag may nangyari dito sa kanyang pag-aresto.

Naghain na ng omnibus motion ang kampo ni Ang sa korte para ipawalang-bisa ang warrant of arrest laban sa kanya at 17 iba pa, dahil umano sa kakulangan ng dokumento at posibleng pagkakamali sa pag-isyu ng warrant. | via Ghazi Sarip

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *