Bukod kay gambling tycoon Atong Ang, may isa pang “local chief executive” na umano’y nagtangkang pigilan ang National Police Commission (NAPOLCOM) sa imbestigasyong administratibo laban sa 12 pulis na inaakusahan sa pagkawala ng hindi bababa sa 34 na sabungero.
Ayon kay NAPOLCOM Executive Officer Rafael Calinisan, may isang mahigpit na grupong pinamumunuan ng lokal na opisyal na lumapit din sa isang taong malapit sa kanya kaparehong paraan ng ginawa umano ni Atong Ang.
Nauna nang sinabi ni Calinisan na sinubukan siyang suhulan ni Ang noong Hulyo, kasabay ng paghahain ng reklamo ng whistleblower na si Julie Patidongan laban sa mga pulis.
Ipinahayag ni Patidongan na inuupahan umano ni Ang ang mga pulis para dukutin at patayin ang mga sabungero na pinaghinalaang nandaya.
Tumanggi si Calinisan na pangalanan ang lokal na opisyal at hindi rin muna nagsampa ng kaso, sinabing dapat harapin muna ni Ang ang mga kasong kidnapping sa Laguna at Batangas.
Sa 22 akusado, si Ang na lang ang natitira at patuloy na nagtatago.
Sinabi ni Calinisan na ngayon lang niya isiniwalat ang mga tangkang suhulan matapos makumpleto ang imbestigasyon at mapatalsik sa serbisyo ang mga pulis.
Diin niya: “Hindi nabibili ang hustisya.”
Samantala, ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla, hindi pa nahuhuli si Ang sa kabila ng 18 raid sa loob ng 20 araw.
Iniimbestigahan ang ulat na nasa Cambodia siya; kung totoo, maaari raw siyang ipa-extradite.
Nag-alok ang DILG ng ₱10 milyong reward para sa impormasyong magdudulot sa pagkakahuli niya. | via Allan Ortega
