ASEAN, ikinabahala ang land reclamation at seryosong insidente sa South China Sea

Nagpahayag ng pagkabahala ang mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations o ASEAN hinggil sa land reclamation at mga tinawag na “serious incidents” sa South China Sea at binigyang-diin ang kahalagahan ng pagpipigil o self-restraint sa kabila ng umiiral na mga aktibidad sa lugar.

Batay sa pahayag ng ASEAN chair matapos ang Foreign Ministers’ Retreat ng regional bloc na ginanap sa Cebu, tinalakay ng mga kasaping estado ang sitwasyon sa South China Sea kung saan kabilang ang mas maliit na bahagi na kilala bilang West Philippine Sea.

Ayon sa pahayag, ipinag-aalala ang ASEAN countries ang mga aktibidad at seryosong insidente sa lugar, kabilang ang mga kilos na naglalagay sa panganib sa kaligtasan ng mga tao at nakapipinsala sa marine environment. Ang mga ito ay sumira sa tiwala at kumpiyansa, nagpalala ng tensyon, at maaaring magbanta sa kapayapaan, seguridad, at katatagan ng rehiyon.

Muli ring iginiit ng ASEAN ang pangangailangang palakasin ang mutual trust at confidence, magsagawa ng self-restraint sa mga aktibidad na maaaring magpalala ng alitan at iwasan ang mga hakbang na lalo pang magpapakomplika sa sitwasyon sa rehiyon.

Matatandaang matagal nang nagbababala ang Philippine Coast Guard tungkol sa mga reclamation activity ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea kabilang ang Pag-asa cays at Escoda Shoal na sakop ng exclusive economic zone ng Pilipinas.

Noong 2022, iniulat ng Bloomberg, batay sa satellite images na mula sa mga opisyal ng Estados Unidos, na may mga lumilitaw na land formations sa paligid ng pinagtatalunang Spratly Islands.

Nakitaan din umano ng presensiya ng isang Chinese vessel na may hydraulic excavator na matagal nang nag-o-operate sa lugar. | via Judea Bernardo, D8TV News

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *