Arraignment ni dating Sen. Revilla, ipinagpaliban muli

Muling ipinagpaliban ng Sandiganbayan 3rd Division ang pagbasa ng sakdal sa kasong malversation at graft na kinakaharap nina dating Senator Bong Revilla at kapwa-akusadong si Juanito Mendoza ngayong araw, February 9.

Ito ay dahil sa mga nakabinbin pang mosyon na inihain ng mga nasabing akusado sa korte.

Kabilang dito ang pag-apela sa naunang desisyon ng korte na i-dismiss ang motion to quash na inihain ng mga akusado at petisyon ng kampo ni Revilla na mailipat siya sa PNP Custodial Center.

Binigyan ng Sandiganbayan 3rd Division ang prosekusyon na magbigay ng komento sa petisyong motion for inhibition hanggang ngayong araw at hanggang February 11 sa inihaing motion for reconsideration ng dalawang kampo.

Itinakda naman sa February 16 ang arraignment nina Revilla at Mendoza.

Samantala, itutuloy ang arraignment sa mga kapwa-akusado nito na dating DPWH officials na sina Brice Hernandez, Jaypee Mendoza, Arjay Domasig, Emelita Juat at Christina Pineda na pawang naghain ng ‘not guilty’ plea.

Nag-ugat ang kaso sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *