Apat na weather systems ang magdudulot ng pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, ayon sa PAGASA.
Ang shear line ay nakaapekto sa silangang bahagi ng Northern Luzon, kaya makararanas ng kalat-kalat na ulan at pulo-pulong thunderstorms ang Cagayan, Isabela, at Aurora. Samantala, ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ay patuloy na magdadala ng kaparehong kondisyon sa buong Davao Region sa Southern Mindanao.
Nagbabala ang PAGASA na ang katamtaman hanggang malakas na ulan sa mga nasabing lugar ay maaaring magdulot ng flash floods at landslides.
Ang northeast monsoon o amihan naman ay makaaapekto sa natitirang bahagi ng Northern Luzon, na magdadala ng mahinang ulan sa Cordillera Administrative Region at Cagayan Valley, at paminsan-minsang mahinang ulan sa Ilocos Region at Central Luzon.
Sa Metro Manila at iba pang bahagi ng bansa, inaasahan ang isolated rain showers o thunderstorms dahil sa easterlies.
Inaasahan din ang katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na dagat sa Northern Luzon, silangang Central Luzon, Southern Luzon, Visayas, at Silangang Mindanao. Sa ibang lugar, mahina hanggang katamtaman ang hangin at banayad hanggang katamtaman ang kondisyon ng dagat.
Ayon sa PAGASA, wala pang binabantayang low pressure area (LPA) na posibleng maging bagyo. | via Allan Ortega | Photo via DOST-PAGASA
