Naaresto ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ang anim na indibidwal. Kabilang sa naaresto ang tatay mismo ng mga nasagip na menor de edad.
Ayon sa NBI-OTCD, nakatanggap sila ng reklamo laban sa tatay ng mga menor de edad kaugnay ng child abuse at pagpapatakbo ng drug den sa Rodriguez, Rizal. Nakumpirma ng surveillance na halos araw-araw may nagaganap na drug sessions sa kanilang pamamahay.
Nasabat ang humigit kumulang tatlong gramo ng shabu at drug paraphernalia, at naaresto ang ama ng mga biktima kasama ang lima pa niyang mga kasapi. Ang tatlong menor de edad na mga anak ng naaresto ay nasa kustodiya na ng MSWDO-Rodriguez at kanilang kamaganak.
Nahaharap sila sa mga kasong paglabag sa Republic Act no. 7610 at Sections 7 and 15 ng Republic Act no. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | via Kai Diamante
