AMLC, nag-isyu ng freeze order laban sa ari-arian ng isang high-ranking official at isang dating halal na opisyal ng gobyerno

Inatasan ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang pag-freeze sa mga ari-arian ng isang high-ranking official mula sa isang independent constitutional body at isang dating halal na opisyal ng gobyerno, matapos makakuha ng dalawang panibagong freeze orders kaugnay ng kontrobersyal na flood control projects.

Sakop ng freeze orders ang 230 bank accounts, 15 insurance policies, dalawang helicopter, at isang eroplano, na tinatayang nagkakahalaga ng humigit-kumulang P3.9 bilyon.

Ayon sa AMLC, nakitaan ang mga naturang ari-arian ng indikasyon ng posibleng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Malversation of Public Funds and Property sa ilalim ng Article 217 ng Revised Penal Code.

Paglilinaw ni AMLC Executive Director Matthew David na ang pag-freeze ay bahagi ng pagpapalawak ng imbestigasyon upang matukoy kung may naganap na money laundering scheme na may kaugnayan sa mga flood control project.

Sa kabuuan, umaabot na sa 3,566 bank accounts, 198 insurance policies, 247 sasakyan, 178 real properties, at 16 e-wallet accounts ang napasailalim sa freeze orders, na may tinatayang kabuuang halaga na P11.7 bilyon. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *