Magkakaroon ng pag-ulan sa malaking bahagi ng bansa, lalo na sa Northern Luzon dulot ng northeast monsoon o amihan, ayon sa PAGASA nitong Biyernes.
Makakaranas ng mahihinang ulan ang Cagayan Valley, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Aurora, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes. Samantala, inaasahan naman ang paminsan-minsan na mahinang pag-ulan sa natitirang bahagi ng Luzon, Visayas, Caraga, Zamboanga Peninsula, at Northern Mindanao.
Sa ibang lugar ng Mindanao, posibleng magkaroon ng isolated rain showers dahil sa localized thunderstorms.
Magiging katamtaman hanggang malakas ang hangin at maalon ang karagatan sa hilaga at kanlurang bahagi ng Northern Luzon at silangang bahagi ng bansa. Sa ibang lugar, mananatiling banayad hanggang katamtaman ang hangin at alon.
Samantala, ang Tropical Depression Nuri ay nasa labas pa rin ng Philippine Area of Responsibility at malabong pumasok sa bansa, kaya wala na itong epekto sa Pilipinas. | via Allan Ortega, D8TV News
