Patuloy na makakaapekto ang amihan at easterlies sa makaling bahagi ng bansa.
Ayon sa PAGASA, inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Bicol Region, Caraga, Davao Region, at mga lalawigan ng Northern Samar, Eastern Samar, at Southern Leyte dahil sa umiiral na easterlies.
Maaaring maging katamtaman hanggang malakas ang ulan na posibleng magdulot ng pagbaha at pagguho ng lupa, lalo na sa mababang lugar at kabundukan.
Samantala, makararanas ng maulap na may pag-ulan ang Apayao, Kalinga, Mountain Province, Ifugao, Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Aurora, at Quezon dahil sa patuloy na epekto ng northeast monsoon o amihan. Pinapayuhan ang mga residente na manatiling alerto sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa Batanes at natitirang bahagi ng Cordillera Administrative Region, inaasahan ang maulap na kalangitan na may bahagyang ulan, dulot din ng amihan.
Ang Mimaropa, natitirang bahagi ng Visayas, at Mindanao ay magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may isolated na pag-ulan o thunderstorms dahil sa easterlies.
Sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang mahinang ulan dahil sa amihan.
