Patuloy na nakaaapekto ang amihan o northeast monsoon sa pinakahilagang bahagi ng Luzon, habang ang easterlies naman ang umiiral sa nalalabing bahagi ng bansa, ayon sa PAGASA.
Sa Batanes, Ilocos Norte, Apayao, at Cagayan, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may paminsan-minsang mahinang ulan dulot ng amihan, ngunit wala namang inaasahang malaking epekto.
Samantala, sa Metro Manila, natitirang bahagi ng Luzon, at Visayas, makararanas ng bahagyang maulap hanggang maulap na panahon na may panaka-nakang pag-ulan o thunderstorms dahil sa easterlies.
Nagbabala ang PAGASA sa posibleng flash floods o landslides kapag lumakas ang thunderstorms.
Ganito rin ang sitwasyon sa Mindanao, kung saan ang localized thunderstorms ay maaaring magdala ng isolated rain showers at posibleng pagbaha o pagguho ng lupa sa mga apektadong lugar.
Para naman sa kondisyon ng dagat, inaasahan ang mahina hanggang katamtamang hangin sa Southern Luzon, Visayas, at Mindanao, na may alon na nasa 0.6 hanggang 2.5 meters. Sa natitirang bahagi ng Luzon, katulad din ang lakas ng hangin at taas ng alon na aabot sa 0.6 hanggang 2.1 meters. | via Allan Ortega, D8TV News
