Unstoppable ang Pinay tennis ace na si Alex Eala matapos talunin sa straight sets ang pambato ng host Thailand sa women’s singles tennis ng 2025 Southeast Asian Games.
Pinadapa ni Eala ang Thai netter na si Thasaporn Naklo, 6-1, 6-4, para pumasok sa finals ng torneo sa Tennis Development Center sa Nonthaburi, Thailand.
Sa unang set pa lang, agad ipinamalas ni Eala ang kanyang world-class talent, mabilis na kinontrol ang laro at hindi pinahinga si Naklo para sa 6-1 na score.
Sa ikalawang set, bahagyang nakabawi si Naklo pero nanatiling kalmado at matatag si Eala sa gitna ng pressure.
Makakatapat ni Eala sa gold medal game ang third seed na si Mananchaya Sawangkaew, isa ring Thai.
Huling nakamit ng Pilipinas ang ginto sa women’s singles tennis noong 1999 SEA Games sa Brunei.
Samantala, nag-uwi ng gold sa Thailand Games sina Joanie Delgaco at Kristine Paraon sa women’s double sculls rowing; Zyra Bon-as sa women’s 48kg low kick kickboxing; Jasmine Ramilo sa women’s individual all-around rhythmic gymnastics; at EJ Obiena sa men’s pole vault.
Sa ngayon, nasa ika-anim na pwesto pa rin ang Pilipinas na may 29 gold, 45 silver at 94 bronze medals para sa kabuuang 168 na medalya sa Day 7 ng palaro. | via Ghazi Sarip
