Umabot na sa limampu’t anim na magkakasunod na araw ang naitatalang effusive eruption o mabagal na paglabas ng lava sa Bulkang Mayon, ngunit nananatili pa rin ito sa Alert Level 3.
Naitala rin ang minor strombolian activities o maliliit na pagsabog ng Mayon bandang alas-dos kwarenta ng madaling araw, kung saan nagkaroon ng lava flow, pyroclastic density currents o uson, at pagguho ng lupa.
Dahil patuloy ang pag-alburoto ng Bulkang Mayon, pinayuhan ng mga awtoridad ang mga residente na manatili sa loob ng kanilang mga bahay at ipinagbabawal ang pagpasok sa anim na kilometrong permanent danger zone (PDZ) ng bulkan.
Samantala, patuloy ang pagsubaybay sa Bulkang Kanlaon, na kasalukuyang nasa Alert Level 2.
Matatandaang nagkaroon ng ‘moderately explosive’ na pagsabog ang Kanlaon noong Pebrero 26, kaya pinag-iisipan ngayon ng Phivolcs kung itataas ang antas ng babala nito sa Alert Level 3 tulad ng sa Bulkang Mayon. | via Kimberly Reyel, D8TV News Intern
