Nanawagan ang Akbayan Partylist ng isang tinawag nilang “EDSA-inspired electoral revolution” upang wakasan ang umiikot na kapangyarihan ng mga political dynasty, partikular ng mga pamilyang Marcos at Duterte.
Ito ang mensahe ng Akbayan matapos nilang pangunahan ang ikatlong yugto ng Trillion Peso March, kasabay ng paggunita sa ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution, na dinaluhan ng libu-libong Pilipino.
Ayon kay Akbayan President Rafaela David, hindi ganap na maisasakatuparan ang diwa ng EDSA, kung magpapatuloy ang pamamayani ng iilang pamilya sa politika at gobyerno.
Giit ni David, dapat nang tapusin ang tinawag niyang “Marcos-Duterte power carousel” at ihanda ang isang makabuluhang pagbabago sa eleksyon pagsapit ng 2028.
Dagdag pa niya, kung ang EDSA noong 1986 ay tungkol sa pagbawi ng demokrasya, ang susunod na laban ay tungkol naman sa pagbawi ng kinabukasan ng bansa laban sa authoritarianism at pandarambong ng iilan.
Samantala, sinabi ni Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña na mahalagang maipasa ang isang tunay na anti-political dynasty law upang matupad ang isa sa mga hindi pa naisakatuparang pangako ng EDSA.
Ayon kay Cendaña, malinaw na nakasaad sa 1987 Constitution, na bunga ng People Power Revolution, ang pagbabawal sa political dynasties upang maging mas demokratiko ang halalan at mas inklusibo ang kaunlaran ng ekonomiya.
Isinagawa ang ika-40 taong paggunita ng EDSA sa temang “Trillion Peso March Part 3: Tayo ang People Power Laban sa Korapsyon at Dinastiya Noon, Ngayon, Bukas.”
Ang aktibidad ay inorganisa ng Buhay ang People Power Campaign Network at ng Simbahan at Komunidad Laban sa Katiwalian, sa suporta ng Caritas Philippines. | via Judea Bernardo, D8TV News
