Dumalo sa pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) si AGAP Party-list Rep. Nicanor Briones.
Pero sa halip na i-livestream ang kanyang testimonya, humiling ito ng isang executive session.
Matapos ang hearing, tumanggi rin itong humarap sa media.
Matatandaang kabilang si Briones sa mga idinawit ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya sa mga maanomalyang flood control projects.
Pero ayon sa legal counsel ni Briones si Atty. Winston Ginez, boluntaryong humarap sa panel ang Kongresista para linisin ang kanyang pangalan.
Dagdag pa ni Ginez, tinawag niyang unfair ang mga akusasyon laban sa kanyang kliyente.
Sa ngayon, pinagsusumite lamang si Briones ng mga dokumento. inihayag naman ng abogado nito na wala silang nakatakdang schedule upang bumalik sa panel.
Samantala, kabilang sa inasahang dumating sa ICI ngayong araw ay si Public Works Undersecretary Catalina Cabral pero hindi ito sumipot.
Idinawit si Cabral sa isyu ng kurapsyon sa mga maanomalyang proyekto, kabilang ang isang ghost flood control project sa Bulacan na nagkakahalaga ng P95 million. | via Ghazi Sarip
