Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kumakalat na balita na may mga sundalong nagbitiw matapos maaresto si dating Pangulong Rodrigo Duterte at dalhin sa The Hague para litisin sa kasong crimes against humanity.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, “walang kumpirmadong ulat” tungkol sa sinasabing pagbibitiw ng ilang sundalo bilang suporta kay Duterte. Hinimok niya ang publiko na huwag basta maniwala sa hindi beripikadong impormasyon.
Giit ng AFP, nananatili itong propesyonal, nagkakaisa, at hindi pumapanig sa anumang pulitika. Sinabi rin ng Army spokesperson Col. Louie Dema-ala na wala silang natatanggap na ulat ng pagbibitiw ng sinumang opisyal.
Maging ang Philippine Air Force ay walang na-monitor na kaguluhan o pagkalas ng kanilang mga tauhan. Ayon kay PAF spokesperson Col. Maria Consuelo Castillo, patuloy na nagbabantay ang kanilang hanay sa seguridad ng bansa sa kabila ng hamon, kabilang na ang kamakailang pagbagsak ng FA-50 fighter jet na ikinasawi ng dalawang piloto.
Tiniyak ng AFP na mananatili silang tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin sa bayan at hindi maaapektuhan ng pulitika. | via Lorencris Siarez | Photo via pna.gov.ph
AFP: Walang ulat ng mga tauhang nagbitiw kaugnay ng pag-aresto kay Duterte
