AFP, Tarriela binuweltahan si Pulong Duterte sa ‘maling pagpapaliwanag’ tungkol sa deployment ng missile

Binanatan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte dahil umano sa “maling interpretasyon” nito sa pahayag ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. tungkol sa pansamantalang pag-deploy ng US Typhon Missile System sa bansa.


Ayon sa AFP, malinaw na teknikal na impormasyon lang ang sinabi ni Brawner tungkol sa saklaw ng missile system, at bahagi ito ng training at capability-building ng militar sa ilalim ng modernization program para palakasin ang pambansang depensa.


“Hindi totoo na ang AFP ay nagsisilbi sa banyaga. Ang ganitong mga paratang ay sumisira sa integridad at patriotismo ng aming mga sundalo,” pahayag ng AFP.


Nanggaling ito matapos akusahan ni Duterte si Brawner na “nagmamayabang ng missiles na kayang umabot sa China,” at tinanong pa kung “kanino ba talaga siya nagsisilbi sa Pilipinas o sa CIA?”


Kasabay nito, tinawag ni PCG spokesperson Commodore Jay Tarriela na “divisive noise” ang mga pahayag ni Duterte, na aniya ay nagpapalaganap lamang ng takot at pro-China na naratibo.


“Ang mga Pilipino ay karapat-dapat sa mga lider na nagkakaisa laban sa pananakot ng banyaga, hindi sa mga naghahasik ng pagkakahati,” ani Tarriela.


Dagdag pa niya, hindi “pagyayabang” ang sinabi ni Brawner, kundi paglalahad ng katotohanan na ang Typhon system ay bahagi ng pagsasanay upang mapatatag ang depensa at “hindi ito laban sa sinumang bansa.” | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *