AFP, muling tinanggihan ang anumang panukalang military intervention at labag sa Saligang Batas na paraan

Isang linggo bago ang protesta laban sa korapsyon sa Nobyembre 30 at sa gitna ng umano’y destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., muling iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) noong Linggo na hindi nila tinatanggap ang labag sa konstitusyon na paraan ng pagpapalit ng pamahalaan, lalo na ang panawagan sa military intervention.


Sa kanilang Facebook post, binigyang-diin ng AFP na sila ay isang “propesyonal, disiplinado, at non-partisan institution na nakatuon sa paglilingkod sa bayan at pagtatanggol sa Republika.”

Ayon sa AFP, ang laban kontra korapsyon ay dapat isagawa sa pamamagitan ng konstitusyonal, transparent, at legal na proseso hindi sa pamamagitan ng puwersa, pananakot, o military intervention.


Hinimok ng AFP ang kanilang mga tauhan at ang mga Pilipino na “magsama-sama sa pagsasabing hindi sa military intervention,” at idinagdag na ang lakas ng militar ay nasa katapatan nito sa Konstitusyon at sa Watawat.


Ayon sa Kilusang Bayan Kontra Kurakot (KBKK), gaganapin ang protesta sa Luneta, EDSA, at iba’t ibang lugar sa bansa, na naglalayong hikayatin ang gobyerno na magsagawa ng higit pang aksyon at reporma sa pangangalaga ng pondo publiko, lalo na sa gitna ng imbestigasyon sa mga anomalya sa flood control projects.


Inihanda rin ng NCRPO at PNP ang kanilang full alert simula Nobyembre 28 para sa inaasahang malawakang protesta. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *