Mariing itinanggi ng Armed Forces of the Philippines ang mga paratang ni dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson, at iginiit na nananatiling propesyonal, hindi partidista, at tapat sa Konstitusyon ang militar.
Nauna rito, sinabi ni Singson na umano’y lumala na ang korapsyon at “iniinsulto” na nito ang dangal ng militar.
Ayon sa kanya, may ilang unipormadong tauhan na ginagamit para sa interes ng pulitika, habang ang taumbayan ang nagdurusa sa epekto ng korapsyon tulad ng pagtaas ng presyo, paghina ng piso, paglobo ng utang ng bansa, at pagbaba ng dayuhang pamumuhunan.
Inakusahan din niya na may ilang matataas na opisyal ng militar na binigyan umano ng pera upang patahimikin, at hinikayat niya si AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. na tumindig laban sa katiwalian.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, mahigpit na sumusunod ang AFP sa 1987 Konstitusyon, lalo na sa probisyong nagsasaad na nangingibabaw ang kapangyarihang sibilyan sa militar.
Nilinaw din ni Padilla na ang mga isyu tungkol sa pamahalaang sibilyan, pananalapi, at patakarang pang-ekonomiya ay saklaw ng mga korte at oversight bodies, hindi ng militar.
