Hindi kinagat ng militar ang gustong apat na araw na tigil-putukan ng mga makakaliwang armadong grupo sa mismong Pasko at Bagong Taon.
Nagdeklara ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army ng unilateral ceasefire mula December 25 hanggang 26 at December 31 hanggang January 1.
“This temporary ceasefire order is being issued in solidarity with the Filipino people as they conduct simple celebrations of their traditional holidays amid grave social and economic conditions,” ani CPP Spokesman Marco Valbuena.
Ayon sa spokesman ng CPP na si Marco Valbuena, ang nais nilang tigil-putukan ay bilang pakikiisa sa simpleng selebrasyon ng mga Pilipino sa gitna ng paghihirap ng sambayanan.
Tinawag naman itong isang ‘sad, propaganda stunt’ ng Armed Forces of the Philippines.
Dagdag pa ng militar, katuwang nila ang Philippine National Police sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagpapatupad ng seguridad ngayong holiday season.
Ayon sa CPP, kahit nagdeklara sila ng unilateral ceasefire, nasa active defense mode ang kanilang tropa at naka high alert sa itinakdang apat na araw.
Matatandaang huling nag-ceasefire ang AFP at CPP-NPA noong 2023, matapos lagdaan ng parehong panig ang Joint Statement sa Oslo, Norway, upang tuldukan ang pinakamahabang insureksiyon sa Asya.
