Hindi na umano kailangan ng loyalty check sa hanay ng militar–sa kabila ng pag-atras ng isang koronel ng kanyang suporta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, nananatiling buo, disiplinado at propesyonal ang buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas, sa kabila ng kaso ni Col. Audie Mongao.
Na-relieve sa puwesto si Mongao matapos kumalat ang kanyang social media post tungkol sa pag-atras niya ng suporta sa kanyang Commander-in-Chief.
Pinabulaanan naman ng AFP ang mga espekulasyong may pagkakawatak-watak sa hanay ng mga sundalo.
Anila, kilala nila ang kanilang mga lider at buo ang tiwala sa pamumuno ng bawat isa.
Samantala, nilinaw ni Padilla na patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso ni Mongao at tinawag niya itong premature pa sa ngayon kaya’t wala pang tiyak na kasong ihahain dito. | via Ghazi Sarip
