Rep. Erice, hihingi ng tulong mula Korte Suprema para sa anti-dynasty bill

Humihingi ng tulong ang isang mambabatas sa Korte Suprema para pilitin ang Kongreso na ipasa ang pinakabagong bersiyon ng Anti-Political Dynasty Bill.

Sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Caloocan Rep. Edgar Erice na magsasampa siya ng petisyon sa Supreme Court para tuparin ng Kongreso ang mandato ng 1987 Constitution na gumawa ng batas laban sa political dynasties.

Nakasaad sa Article II, Section 26 ng Saligang Batas na dapat tiyakin ng estado ang pantay na oportunidad sa paglilingkod-bayan at ipagbawal ang political dynasties “ayon sa itatakdang batas.”

Pero makalipas ang apat na dekada, hindi pa rin umuusad ang mga panukalang ito, dahilan para lalo pang lumakas at lumalim ang impluwensya ng mga political dynasty na sinisisi sa malawakang korapsyon.

Lalong umigting ang panawagan para ipasa ang repormang ito dahil sa kasalukuyang kontrobersya sa flood control projects.

Noong nakaraang buwan, inatasan ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang Kongreso na unahin ang anti-dynasty bill at ang pagpapalakas sa Independent Commission on Infrastructure.

Posibleng magsumite ng sariling bersyon ng panukala sina Speaker Dy o Majority Leader Sandro Marcos.

May 11 bersyon na ng panukalang batas pero hindi ito umuusad sa committee level. Inaasahan naman ng ilang mambabatas na magkakaisa ang minorya at mayorya sa layuning ipasa ang kasalukuyang bersiyon nito. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *