Umiiwas si Senator Bato dela Rosa na magpakita sa publiko dahil sa pangamba sa kaniyang personal na seguridad, ayon sa kaniyang abogado na si Atty. Israelito Torreon.
Ani Torreon, personal na opinyon niya lamang ito at hindi mula sa kanyang kliyente, na nahaharap sa kasong crimes against humanity sa International Criminal Court sa The Hague.
Nobyembre unang lumabas ang balita tungkol sa pag-isyu umano ng arrest warrant ng korte, pero hanggang ngayon ay hindi pa ito kinukumpirma ng pamahalaan.
Hindi na rin nagpakita si Senator Dela Rosa sa Senado o publiko mula noon.
Dagdag ng abogado, walang klarong polisiya o batas ang Pilipnas tungkol sa pagsuko.
Ang mga ibang miyembro umano ng ICC, gaya ng Germany, Switzerland, Austria, Poland, at Australia ay may pambansang alituntunin kung paano isasagawa ang pagsuko.
Huli umanong naka-usap ni Torreon ang senador noong November 8, pero tungkol ito sa mga kilos protesta noon at hindi sa status ng ICC arrest warrant.
Aniya, malamang ay nasa Pilipinas pa si Senator Dela Rosa.
