Sobra-sobrang pagbili ng tissue paper ng SSS, sinita ng COA

Sinita ng Commission on Audit (COA) ang labis na pagbili ng tissue paper ng Social Security System (SSS) noong nakaraang taon.

Batay sa 2024 audit report ng COA, nasa 143,424 tissue paper ang binili ng SSS na nagkakahalaga ng mahigit P13 milyon.

Lagpas ito sa two-month requirement ng ahensya.

Ayon sa COA, nasa mahigit 116,000 pa ang rolyo ng tissue paper na nasa bodega ng supplier dahil wala itong sapat na polisiya sa procurement ng supplies at equipment.

Napag-alam din na verbal lang ang naging kasunduan sa pagitan ng SSS at supplier kaya’t wala rin umano itong sapat na dokumentasyon o memorandum of understanding.

Giit ng COA, hindi napagplanuhan ng ahensya ang pagbili ng daang libong tissue paper.

Ang halaga sana ng pinambili ay maaaring mapakinabangan ng 2,000 SSS pensioners o funeral benefits sa 650 namatay na miyembro nito.

Sa kaparehong ulat, binanggit din ng COA ang halos P3 milyong kulang sa bayad sa SSS funeral benefits.

“Deficiencies in the processing and payment of funeral benefits resulting in the underpayment of benefits by P2.833 million, potentially affecting the entitlements of surviving legal spouses of deceased members: Underpayment of P2.898 million for 293 out of 1,584 sampled claims due to incomplete computation of contributions,” ayon sa COA.

Dagdag pa nito, may ilang mga namatay na SSS pensioners ang nakatanggap pa rin ng kanilang mga benepisyo na nagresulta sa sobrang bayad na P24.811 milyon.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *