DA, naglabas ng MSRP sa Metro Manila para sa holiday season

Naglabas ng bagong maximum suggested retail prices (MSRP) ang Department of Agriculture (DA) para sa karneng baboy sa Metro Manila ngayong papalapit ang Kapaskuhan.

Simula December 5, hanggang P370 kada kilo lang dapat ang liempo, habang P330 naman ang kasim at pigue sa lahat ng palengke, pribado man o pampubliko.

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kailangan nang ayusin ang presyo ng baboy, lalo’t paboritong ulam ito ng mga Pinoy tuwing holidays.

Napag-alaman umano ng DA na umabot pa ng P480 per kilo ang liempo nitong Nobyembre.

Giit pa ng kalihim, “absurd” ang sobrang taas ng presyo gayong bumaba na ang farm-gate price, dahilan para malugi ang maliliit na hog raisers.

Dahil dito, nagkasundo ang DA at hog producers na itakda ang minimum farm-gate price sa P210/kilo para hindi malugi ang mga magbababoy.

Inirekomenda ng DA ang bagong presyo matapos lumabas sa assessment na sapat ang supply ng baboy para sa Metro Manila.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *