Inirekomenda sa Ombudsman ang pagsasampa ng kaso laban kina Sarah Discaya, Ma. Roma Angeline Rimando at iba pa kaugnay sa umano’y ghost project sa Davao Occidental.
Sa isang video, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na natuklasan ng Ombudsman ang proyektong nagkakahalaga ng P96.5 milyon na hindi naman naipatupad.
Matatandaang ininspeksyon nina dating ICI Special Adviser Benjamin Magalong at DPWH Secretary Vince Dizon ang Culaman Bridge sa Jose Abad Santos nitong Setyembre kung saan tumambad sa kanila ang mga nakatenggang construction materials.
Ayon sa Pangulo, ipinagkaloob ang proyekto noong Enero 2022 sa St. Timothy Construction, kompanyang pagmamay-ari ng mga Discaya.
Kasong malversation through falsification at paglabag sa RA 3019 ang inirekomendang isampa laban sa kanila.
Dahil dito, iniutos ni Pangulong Marcos sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) ang pagsisilbi ng warrant of arrest upang agarang maaresto ang mga ito. | via Alegria Galimba
