LPA lumakas at naging Bagyong Wilma na, Signal No. 1 itinaas

Naging Tropical Depression Wilma na ngayong Huwebes, December 4 ang Low Pressure Area sa silangan ng Eastern Visayas.

Ayon sa PAGASA, nakataas ang Signal No. 1 sa Northern Samar, Eastern Samar, Samar, Biliran, Leyte, Southern Leyte, Surigao Del Norte at Dinagat Islands.

May lakas ng hangin na hanggang 45 kph sa gitna at pabalik-balik na bugso ng hanggang 55 kph ang bagyong Wilma, na patungong west-southwest sa bilis na 20 kph.

Nagbabala rin ang PAGASA ng malakas na ulan, na maaaring umabot sa 200 mm sa Catanduanes, Albay, at Sorsogon, at 100 mm sa Masbate mula Huwebes hanggang Biyernes.

Patuloy ang paggalaw ng Bagyong Wilma patungong kanluran, tatawirin ang Visayas hanggang Lunes. Maaaring bahagyang lumakas ang bagyong Wilma, ngunit mananatiling tropical depression.

Dahil sa lagay ng panahon, ilang bayan sa Northern Samar, tulad ng San Roque, Capul, at Palapag ay nagsuspinde ng klase at operasyon ng gobyerno.

Ipinabawal ang pangingisda hanggang sa pagbuti ng kondisyon ng panahon. Pinayuhan ang mga komunidad sa tabing ilog na maghanda sa posibleng pagbaha.

Pansamantala namang sinuspinde ng Philippine Coast Guard ang mga barko na may gross tonnage na 250 tons pababa sa ilang rutang dagat sa Northern Samar.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *