Singson, hiniling na pabilisin ang pagpasa ng batas kaugnay sa mandato ng ICI

Umapela si resigned Independent Commission for Infrastructure (ICI) Commissioner Rogelio Singson sa Kamara at Senado na bilisan ang pagpasa sa nakabinbing Independent People’s Commission at Independent Commission Against Infrastructure Corruption Bill para pagtibayin ang mandato ng investigating body.

Paliwanag ni Singson, wala kasing sapat na kapangyarihan ang ICI para gawin nang mas mabilis ang mga tungkulin nito.

Dagdag pa niya, hanggang sa ngayon ay wala pa ring pondo ang komisyon.

Binuo ang ICI sa pamamagitan ng Executive Order No. 94 para imbestigahan ang mga umano’y maanomalyang flood control projects sa pamahalaan.

Ang pahayag ni Singson ay kasunod ng kanyang pagbibitiw sa pwesto dahil sa nararanasan umanong matinding stress.

Aniya, hindi na kinakaya ng kanyang katawan ang bigat ng kanilang trabaho lalo na’t sa edad niyang 77.

Nagpapabalik-balk na rin daw siya sa ospital at sa unang pagkakataon ay nagkaroon na siya ng maintenance medicine.

Epektibo ang kanyang pagbibitiw sa December 15 na maaaring palawigin hanggang December 31. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *