PNP, suportado ang pahayag ng ex-generals laban sa destabilisasyon

Suportado ng Philippine National Police o PNP ang pahayag ng grupo ng mga retiradong heneral na kumokontra sa umano’y destabilization efforts kaugnay ng isyu sa flood control scam.

Ayon sa Association of Generals and Flag Officers, kailangang manatiling tapat sa Konstitusyon ang lahat ng aktibo at retiradong personnel ng uniformed services.

Sinabi ni Acting PNP Chief Lt. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. na nauunawaan nila ang posisyon ng mga retiradong opisyal dahil naranasan din nila ang ganitong hamon noong nasa serbisyo pa.

Dagdag niya, tututok ang PNP sa mandato nitong maglingkod at magprotekta sa publiko habang tinutulungan hubugin ang mas maayos na kinabukasan ng pambansang pulisya.

Kaugnay nito, sinabi ng AFP noong Nobyembre 14 na bina-beripika nila ang isang listahang kumakalat online na umano’y naglalaman ng pangalan ng mga opisyal na sangkot sa planong pagpapatalsik kay Pangulong Bongbong Marcos.

Noong Nobyembre 23 naman, ibinunyag ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na niyaya siya ng ilang retiradong military officials na sumali sa isang “civilian-military junta,” pero tumanggi umano siya.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *