Isa hanggang dalawang bagyo pa ang inaasahang papasok sa bansa ngayong Disyembre, ayon yan sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Sabi ni PAGASA administrator Nathaniel Servando, may posibilidad ng maging mataas sa normal ang dami ng pag-ulan ng parehong bagyo.
Mahigpit na mino-monitor naman ang ilang cloud cluster sa Pacific Ocean na posibleng maging low pressure area. Mula Enero hanggang Mayo ng susunod na taon, isa hanggang anim na weather disturbance ang maaaring pumasok sa PAR.
Ayon pa kay Servando, maaaring maranasan ng bansa ang karaniwan hanggang mas mainit sa karaniwan na kondisyon ng panahon sa Disyembre.
Napansin din ang mas malamig sa karaniwan na sea surface temperature anomalies o SSTA sa tropical Pacific, senyales ng kasalukuyang La Niña.
Ipinapakita naman ng climate models na magpapatuloy ang La Niña hanggang Enero o Pebrero 2026.
