Lacson, inilantad mga duplicate project sa 2026 budget ng DPWH

Ilang duplicate projects sa panukalang 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay tila ginawa para “manglito at mangurap,” ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson.

Sa interpellation niya, tinukoy niyang marami sa mga dobleng proyekto ay nasa Convergence and Special Support Program (CSSP), na taon-taong “lumolobo” mula 2023 hanggang 2026.


Nadiskubre rin ni Lacson na maraming proyekto sa Sustainable Infra Projects Alleviating Gaps ay kapareho ng mga nasa basic infrastructure program magkaiba lang ang halaga.

Banta niya, baka nagkakaroon ng double appropriations kaya kailangan itong busisiin.


Suportado naman niya ang anti-corruption drive ni DPWH Secretary Vince Dizon.

Nagpasalamat si Dizon sa Senado at sinabing inuutos mismo ng Pangulo ang malawakang reporma sa DPWH upang matiyak ang transparency at accountability.


Mula nang maupo noong Setyembre, nagsampa na si Dizon ng kaso laban sa 67 opisyal at pribadong indibidwal kaugnay ng flood control scam, kabilang ang 10 kaso sa Philippine Competition Commission na maaaring magresulta sa pagbawi ng ₱2.5 bilyon.

Naglabas din siya ng 34 show-cause orders, nagsampa ng kaso laban sa 25 tao, at nagsuspinde ng 20 personnel.


Nagtayo rin ang DPWH ng transparency portal, at mahigpit ang babala na ang mga kontratistang mahuling gumagawa ng ghost o substandard projects ay awtomatikong iba-blacklist at habambuhay na pagbabawalang makilahok sa anumang proyekto ng pamahalaan, bukod pa sa kasong kriminal. | via Allan Ortega

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *