Legal counsel ni Zaldy Co, nagtangkang i-blackmail si PBBM

Ibinunyag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinangka umano siyang i-blackmail ng abogado ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co at humiling na huwag kanselahin ang passport ng kliyente nito.

Bilang kapalit ay hindi na raw ilalabas ni Co ang mga video ng akusasyon sa kanya ng korapsyon.

Kung matatandaan, naglabas ng ilang serye ng statement video si Co na iniuugnay si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, Presidential son Sandro Marcos at iba pang opisyal ng pamahalaan sa umano’y budget insertions.

Giit naman ng Pangulo, hindi umano siya nakikipag-negosasyon sa mga kriminal.

“Nilapitan po kami ng abogado ni Zaldy Co at nagtatangkang mag-blackmail na kung hindi po namin kakanselahin ang passport niya [Co], hindi na raw siya maglalabas ng video. I do not negotiate with criminals,” ani Pangulo.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na makakansela ang pasaporte ni Co at sinabing hindi na siya makakatakas sa hustisya.

“Maglabas ka na lahat ng video, ng kasinungalingan mo na pag-destabilize sa gobyerno. Gusto ko lang malaman mo Zaldy, makakansela pa rin ang passport mo. Hindi ka na makakatakas sa hustiya,” dagdag pa nito.

Bukod dito, isiniwalat din ng Pangulo na kabilang sa huling freeze order na na-secure ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang air assets ng dating kongresista.

Samantala, mariin namang itinanggi ni Atty. Ruy Rondain ang pahayag ng Pangulo at sinabing wala siya ni isang kinausap sa gobyerno para pigilan ang pagkansela sa pasaporte ng kanyang kliyente.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *