Nagbabala si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na tila may “coordinated, orchestrated at calibrated” na galaw para patalsikin ang administrasyon, matapos lumabas ang mga video ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at makatanggap siya ng mga text na nag-uudyok na sumali siya sa isang civilian-military junta bago at habang ginaganap ang INC rally.
Sa kanyang three-part video, inakusahan ni Co si Pangulong Marcos na nagpasok umano ng P100 bilyong proyekto sa 2025 national budget.
Ilang araw matapos nito, nag-rally ang INC noong Nov. 16–17, kung saan si Sen. Imee Marcos ay nagparatang na gumagamit umano ng droga ang Pangulo, First Lady Liza, at kanilang anak na si Sandro na agad namang itinanggi ng First Family.
Sinubukan ding sumali ng pro-Duterte group na nananawagan ng pagbibitiw ng Pangulo, pero pinaalis sila.
Ayon kay Lacson, pagkatapos ng mga alegasyon ni Co ay sunod-sunod siyang nakatanggap ng mensahe mula sa retired military at police officials na nag-eengganyo sa kanya na sumama sa junta.
Tinanggihan niya ito at iginiit na labag sa Konstitusyon ang ganitong hakbang.
Dagdag pa niya, may mga partisan group na nagtutulak ng “total reset” isang panukalang palitan ang Pangulo at Bise Presidente nang hindi sinusunod ang constitutional line of succession.
Samantala, nagbabala si Senate President Tito Sotto III na maaaring maging “banana republic” ang Pilipinas kung manaig ang mob rule at military adventurism, at iginiit na rule of law at due process ang kailangan para sa tunay na pag-unlad. | via Allan Ortega
