Hinimok ni House Speaker Bojie Dy ang mas paigtingin ang suporta para sa micro, small, and medium enterprises o MSMEs.
Giit niya, kaya ng mga Pilipinong negosyante na makalikha ng de-kalidad at world-class na produkto kung mabibigyan ng tamang oportunidad.
Sa paglulunsad ng “OTOP is in the House 3.0 – B2B House Appliance Fair 2025” sa North Wing Lobby ng House of Representatives, sinabi ni Dy na ipinapakita ng OTOP kung paano kayang palakasin ng maliliit at community-based na negosyo ang paglago ng ekonomiya.
Aniya, sa kanyang sariling lalawigan ng Isabela, higit 85% ng mga OTOP entrepreneurs ay sole proprietors na may kapital lamang na P10,000 hanggang P50,000.
Giit niya, sa kabila ng limitadong resources, patuloy pa rin silang nangangarap at nagsusumisikap.
Dagdag pa nito, ang mga ginagawa nilang produkto ay delicacies, kakanin, sauces, inumin, at produktong agrikultural tulad ng kape na galing sa kanya-kanyang bayan at pwedeng dalhin sa buong mundo.
Sinabi rin niya na ang small domestic appliances industry ay simbolo ng “innovation, engineering, and Filipino craftmanship.”
Hinimok din niya ang distributors, buyers, at partners na makipag-kolaborasyon para sa trabaho at kabuhayan sa komunidad.
Nagpasalamat si Dy sa Department of Trade and Industry, sa pangunguna ni Secretary Ma. Cristina Roque, Deputy Speaker Ferjenel Biron, House Committee on Trade and Industry Chairman Maximo Dalog Jr., at ang Association of Small Domestic Appliances of the Philippines Inc., sa pamumuno ni Carlo Yao, sa kanilang mahalagang papel para mapalago ang lokal na industriya. | via Andrea Matias
