Nakikiisa ang Philippine Army (PA) sa 18-day nationwide campaign kontra violence against women (VAW) hanggang Disyembre 12. Sa flag-raising ceremony sa Fort Bonifacio, nanawagan si Army chief Lt. Gen. Antonio Nafarrete sa lahat ng sundalo at empleyado na aktibong suportahan ang kampanya at palakasin ang gender and development policies ng organisasyon.
Ang tema ngayong taon ay “UNiTEd for a VAW-free Philippines,” na pinangungunahan ng Philippine Commission on Women (PCW).
Layunin nitong isulong ang whole-of-nation approach laban sa pang-aabuso.
Batay sa 2022 National Demographic and Health Survey, 18% ng mga kababaihang may asawa o nakarelasyon (edad 15–49) ang nakaranas ng physical, sexual, o emotional violence katumbas ng humigit-kumulang 4.8 milyong Pilipina.
Target ng kampanya na pabilisin ang pagpapatupad ng National Action Plan to End VAW lalo na sa lokal na antas, hikayatin ang kabataan na maging boses laban sa karahasan, at palakasin ang papel ng kalalakihan bilang allies sa pagtataguyod ng respeto at gender equality.
Hinikayat din ang publiko na huwag manahimik, tumulong sa ligtas na paraang makakaintervene, at isama ang VAW prevention sa iba’t ibang sektor. | via Allan Ortega
