ICI: Referral sa Ombudsman, walang hatol vs Romualdez; iginiit na para sa karagdagang imbestigasyon

Inilabas ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang kopya ng kanilang referral sa Ombudsman kaugnay sa pagharap ni dating House Speaker Martin Romualdez sa komisyon.

Ayon sa ICI, ang kanilang isinumiteng dokumento sa Ombudsman ay bahagi ng ebidensyang kanilang nakalap sa nagpapatuloy na imbestigasyon ng komisyon sa umano’y maanomalyang flood control projects.

Kalakip ng referral ang sinumpaang salaysay ng kongresista, transcription, video at audio recording ng fact-finding inquiry ng ICI noong October 14, 2025 at kautusan ng Executive Judge sa Manila kung saan natuklasan na peke pala ang pirma ng abogado sa salaysay ni Orly Guteza.

Si Guteza ay dating tauhan ni Zaldy Co, ang ‘surprise’ witness na humarap sa pagdinig ng Senado.

Sinabi nito na nakapag-deliver siya kina Romualdez at Co ng male-maletang pera na kickback sa mga proyekto ng DPWH.

Giit ng ICI, ang kanilang ipinasang referral ay para sa karagdagang imbestigasyon ng Ombudsman at walang anumang paghatol, konklusyon, o pagpapatunay ng pagkakasala sa parte ni Romualdez.

Samantala, tiniyak ng komisyon na magpapatuloy sila sa kanilang mandato na anumang mga ebidensyang kanilang makakalap ay agad nilang ipadadala sa Ombudsman. | via Alegria Galimba

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *