Nanawagan si Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na magpaliwanag ang National Irrigation Administration (NIA) sa umano’y pag-aaksaya ng pondo sa Tarlac Balog-Balog Multipurpose Project (TBBMP), na nananatiling hindi pa rin tapos kahit nakatanggap na ng P7.006 bilyon mula 2015 hanggang 2020.
Sa pagbusisi ng 2026 budget ng NIA, sinabi ni Lacson na limang taon na niyang tinatanong ang status ng proyekto, lalo’t Phase 2 nito ay dapat natapos pa noong 2018 at inasahang makukumpleto sa termino ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Nag-request ang NIA ng extension hanggang 2022 dahil sa masamang panahon, resettlement at right-of-way issues pero noong 2020, halos walang pinagbago ang proyekto base sa inspection ng kanyang staff.
Tinukoy rin niya ang COA report noong 2018 na nagsabing P7.7 bilyon mula sa limang kontrata ng Balog-Balog ang kabilang sa pinakamalalaking delayed projects ng NIA.
Sina Sen. Rodante Marcoleta at Sen. Francis Pangilinan ay kapwa nagsabing dapat itong i-review dahil taon-taon umanong humihingi ang NIA ng pondo para sa maintenance.
Noong 2023, iginiit ni Sen. Raffy Tulfo ang listahan ng contractors matapos lumabas na 20% pa lang ang natatapos ng proyekto kahit bilyon-bilyon na ang nailaan mula 2013 hanggang 2022.
Paliwanag ng NIA, umatras ang dating contractor at inaayos pa ang pagbabago sa scope ng proyekto. Target umano nilang i-restart ang konstruksyon at tapusin ito sa bagong deadline na 2027 gamit ang natitirang P6.1 bilyon.
Ang mega-dam, na unang iminungkahi noong 1963 pa nina Ninoy at muling binuhay sa panahon nina Cory at Noynoy Aquino, ay inaasahang magbibigay ng year-round irrigation sa mahigit 34,000 ektarya, magpapataas ng ani, makababawas ng pagbaha, at makagagawa ng 43.5 MW na kuryente kung matatapos sa wakas. | via Allan Ortega
