Nahatulang guilty ng Pasig Regional Trial Court Branch 167 si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo sa kasong qualified trafficking dahil sa umano’y illegal POGO operations noon sa kanyang nasasakupan.
Bukod kay Guo, guilty rin sina Rachelle Malonzo Carreon, Jaimielyn Cruz at Walter Wong Rong dahil sa pag-organize ng trafficking sa loob ng Baofu compound.
Guilty naman sa kasong trafficking sina Wang Weili, Wuli Dong, Nong Ding Chang at Lang Xu Po.
Ayon kay Deputy State Prosecutor Olivia Torrevillas, life sentence o habambuhay na pagkakakulong at multang aabot sa P2 million bukod pa sa danyos na babayaran sa kanilang mga biktima ang ipinataw mga ito.
Binawi na rin ng pamahalaan ang Baofu compound na nagkakahalaga ng aabot sa P6 bilyon.
Samantala, ikinatuwa naman ni Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) Executive Director Benjamin Acorda at kanyang pinalitan na si Usec. Gilbert Cruz ang desisyon ng korte dahil sa hustisyang nakamit sa pagtutulungan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Si Guo ay nakatakdang ilipat sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City.
