Hindi dumalo ang 14 kongresista na inimbitahan ng Senado sa pagdinig kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Kabilang sa mga inimbitahan ay sina Leyte 1st District Rep. Ferdinand Martin Romualdez Benguet Rep. Eric Yap Pasig City Rep. Roman Romulo Uswag Ilonggo Party-list Rep. Jodi Ang Quezon City 5th District Rep. Patrick Michael Vargas Quezon City 1st District Rep. Arjo Atayde AGAP Party-list Nick Briones Marikina 1st District Rep. Marcy Teodoro Romblon District Rep. Eleandro Madrona Laguna 4th District Rep. Bennie Agar Occidental Mindoro Leody Tarriela Quezon 3rd District Rep. Reynante Arrogance Caloocan Rep. Dean Asistio Quezon City 6th District Rep. Ma. Victoria Co-Pilar
Ayon kay Committee Chairman Ping Lacson, sumulat si House Speaker Bojie Dy at ang dahilan umano nito ay mayroon nang isinasagawang imbestigasyon ang Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sinabi rin umano ni Atty. Ruy Rondain na hindi rin makadadalo ang kanyang kliyente na si dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co dahil ito ay sumasailalim ng medical treatment sa US.
Napag-alaman din na September 2 nang umalis si Co patungong Hong Kong at sa ngayon ay hindi pa nakababalik ng bansa.
Matatandaan na sinabi ng kanyang abogado na natatakot ang dating kongresista na umuwi ng bansa dahil sa mga banta sa kanyang buhay.
Binanggit din ni Lacson ang iba pang personalidad na kinakailangan sa pagdinig ay nasa ibang bansa tulad ni John Paul Estrada.
Samantala, sinabi ni Sen. Erwin Tulfo na hindi sapat ang lookout bulletin laban sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa anomalya na nakalabas ng bansa.
Ayon naman kay Prosecutor General Richard Fadullon, hindi nila maaaring pigilan ang mga ito na bumiyahe dahil ito ay bahagi pa rin ng kanilang karapatan at walang basehan para kanselahin ang kanilang pasaporte.
Makakansela lamang ito kung nasampahan na sila ng kaso. | via Alegria Galimba
