Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sa kulungan magpa-Pasko ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Sa Presidential Report nitong Huwebes, November 13, sinabi ng Pangulo na buo na ang mga kaso laban sa mga indibidwal, kompanya at opisyal ng pamahalaan.
Bukod dito, ipinagmalaki ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga naging accomplishment ng administrasyon nitong nakaraang tatlong buwan.
Matatandaang matapos ang kanyang State of the Nation Address (SONA), inanunsyo ng Pangulo pagtataguyod ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na siyang mag-iimbestiga at magrerekomenda sa Department of Justice (DOJ) at Ombudsman ng mga kasong isasampa laban sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa bansa.
Inilunsad din dito ang Sumbong sa Pangulo website kung saan mula August 11 hanggang November 10 ay nakatanggap na ito ng 20,078 reklamo kaugnay sa mga proyekto ng pamahalaan.
Ayon sa Pangulo, Agosto nang agad nilang simulan ang pag-iinspeksyon sa mga ghost at substandard flood control projects sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Dahil dito, nasampahan na ng kaso ang ilang mga tauhan ng DPWH, pirbadong indibidwal at mga kompanyang sangkot sa isyu ng flood control project.
Siniguro din ng Pangulo na magpapatuloy ang imbestigasyon ng ICI at pamahalaan para mapanagot ang mga dapat managot. | via Alegria Galimba
